
Wala pang impormasyon ang Department of Justice (DOJ) kaugnay sa umanong inilabas na warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) para kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, sa ngayon ay wala pa silang impormasyon kaugnay dito.
Samantala, kinondena naman ng Partido Demokratiko Pilipino ang umano’y paglalabas ng warrant laban sa kanilang miyembro.
Sa isang pahayag, sinabi ni PDP Deputy Spokesperson Atty. Ferdinand Topacio na kung totoo mang may warrant na ay dapat lamang itong kondenahin bilang halimbawa ng pagyurak sa ating soberanya bilang isang bansa.
Tinawag din nilang kasuklam-suklam ang umano’y patuloy na pagyuko ng administrasyon sa ICC dahil lamang aniya sa pampulitika na agenda.
Una nang nilinaw ni Interior Secretary Jonvic Remulla na wala pa rin silang impormasyon sa ICC warrant at maituturing lamang ito sa ngayon na tsismis.
Pero sinabi ng kalihim na naghahanda na sila ng mga hakbang kabilang ang pagbuo ng task force na may 10,000 miyembro para sa malawakang manhunt operation laban sa senador.
Isa si Dela Rosa sa tinukoy ng ICC na co-perpetrators o kasabwat sa kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC dahil sa inilunsad noong madugong kampanya kontra iligal na droga.









