Maaaring abutin ng ilang linggo hanggang ilang buwan ang proseso ng pagkilala sa mga labi ng mga biktima ng nasunog na MV June Aster, ayon sa mga awtoridad.

Ayon kay PLTCOL. Richard Allan Mangalip, commander ng Disaster Victim Identification team ng MIMAROPA Regional Forensic Unit, dadalhin sa DNA Division ng PNP sa Camp Crame ang mga specimen mula sa mga labi para sa pagsusuri.

Dahil matindi ang pagkasunog sa ilan sa mga biktima, kumukuha ang forensic team ng DNA samples mula sa femur o buto ng hita at molar teeth.

Ihahambing naman ang mga ito sa DNA samples mula sa mga kaanak ng mga nawawala.

Isinasagawa muna ang specimen collection at processing sa isang pansamantalang laboratoryo sa Borac Port sa Coron.

-- ADVERTISEMENT --

Habang hinihintay ang resulta ng DNA testing, pansamantalang ililibing ang mga hindi pa nakikilalang labi sa San Nicolas Public Cemetery.

Sa pinakahuling datos, 76 na ang nasawi habang 13 pa ang nawawala sa trahedya ng MV June Aster.