Pinaiigting ng Department of Energy (DOE) ang mga hakbang upang mapigilan ang epekto ng tumataas na presyo ng diesel sa suplay ng kuryente, lalo na sa mga off-grid na lugar sa bansa.

Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa Philippine National Oil Company (PNOC) para makapaglaan ng mas murang langis na eksklusibong gagamitin ng mga power plant.

Kasabay nito, inatasan din ang National Power Corporation (NAPOCOR) na tiyakin ang sapat na imbentaryo ng diesel sa kanilang mga planta, sa gitna ng pagkaantala ng fuel subsidies at pagmahal ng presyo sa pandaigdigang merkado.

Binanggit ng DOE na malaking hamon ang pagtaas ng diesel dahil karamihan sa mga isla sa bansa ay nakaasa rito para sa kuryente, kaya’t posibleng magdulot ito ng dagdag-gastos at banta ng power interruption kung hindi maagapan.

Gayunman, tiniyak ng ahensya na hindi inaasahang maapektuhan ang Metro Manila, at anumang posibleng brownout sa mga urban na lugar ay mas malamang na dulot ng maintenance o teknikal na isyu, hindi kakulangan sa suplay ng langis.

-- ADVERTISEMENT --