Inihayag ng isang opisyal sa Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) nitong Biyernes na posibleng maging magkakaiba ang galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Ayon kay DOE-OIMB Director Rino Abad, nananatiling pabagu-bago at walang malinaw na direksiyon ang galaw ng pandaigdigang presyo ng langis sa nakalipas na apat na araw ng kalakalan. May kaugnayan dito ang mga pahayag ng lider ng mga bansang sangkot sa kaguluhan sa Middle East.

Dagdag pa ni Abad, maaari pang magbago ngayong Biyernes ang presyohan sa huling araw ng kalakalan para sa linggong ito.

Gayunman, base sa apat na araw na kalakalan ng krudo sa world market sa nakalipas na araw na araw, posible umanong tumaas ang presyo ng gasolina at kerosene, habang maaaring bumaba ang presyo ng diesel.

Inaanunsyo ng mga local oil companies ang pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo sa Lunes, at ipatutupad naman sa Martes.

-- ADVERTISEMENT --

Sa linggong ito, nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng taas-presyo kada litro sa gasolina, diesel, at kerosene, matapos ang mga rollback na ipinatupad noong nakaraang linggo.

Ngayong linggo, muling nagpalitan ng mga pag-atake ang Amerika at Iran, at nagbabala rin si US President Donald Trump na maaari pang magkaroon ng karagdagang mga pag-atake kung walang maisasarang kasunduang pangkapayapaan sa lalong madaling panahon.

Samantala, muling idineklara ng Iran na sarado ang Strait of Hormuz, ang dinadaanan ng mga barko na nagdadala ng langis sa iba’t ibang bahagi ng mundo.