
Nagbabala ang Department of Health (DOH) na posibleng tumaas ang presyo ng mga gamot at gastos sa pagpapagamot sa bansa dahil sa patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, mahigpit na binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon dahil sa pangambang maantala ang pagdating ng mga inaangkat na gamot at medical supplies, na maaaring magdulot ng kakulangan.
Ayon sa kanya, pinangangambahan ng DOH na maaaring tumaas ang presyo ng mga gamot at hospitalization, na posibleng makaapekto sa mga mamamayan. Posible rin aniyang magkaroon ng kakulangan sa suplay kung magpapatuloy ang tensyon.
Bilang tugon, nagsagawa na ang DOH ng mga hakbang sa paghahanda tulad ng pag-iimbentaryo ng mga gamot at iba pang kagamitang medikal, pati na rin ang contingency planning upang matiyak ang sapat na suplay.
Ipinag-utos din ang paghahanda ng emergency planning at inventory ng mga gamot at supplies, dahil sa posibilidad na maantala ang mga susunod na delivery mula sa ibang bansa, o kaya naman ay tumaas ang presyo ng mga ito.
Nilinaw naman ni Herbosa na sa kasalukuyan ay wala pang nararanasang kakulangan sa suplay ng gamot at iba pang medical supplies sa bansa.
Gayunman, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maagang paghahanda upang maiwasan ang mas malaking krisis sa hinaharap.








