Ipinag-utos ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang panibagong komprehensibong medical examination kay dating Pangulong Rodrigo Duterte upang masuri ang kanyang kalagayang pangkalusugan bago ang nakatakdang pagdinig sa darating na Nobyembre 30.

Sa inilabas na kautusan noong Hunyo 12, muling pinagana ng korte ang multidisciplinary medical panel na magsasagawa ng mas malawak na pagsusuri sa dating pangulo bilang bahagi ng pre-trial proceedings.

Layunin ng panibagong medical assessment na matukoy kung may kakayahan si Duterte na personal na humarap at makilahok sa mga susunod na pagdinig ng korte.

Nauna nang humiling ang defense team ni Duterte ng panibagong pagsusuri noong Mayo 25 matapos kuwestiyunin ang naunang konklusyon ng ICC na siya ay nasa sapat na kondisyon upang humarap sa proseso ng paglilitis.

Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga alegasyon na may kinalaman sa kanyang kampanya laban sa iligal na droga noong siya ay nanunungkulan bilang pangulo.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang mga paghahanda para sa pre-trial proceedings habang hinihintay ang resulta ng panibagong medical evaluation na magsisilbing batayan ng korte sa mga susunod nitong hakbang sa kaso.