
Hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na ibasura ang petisyon ni Senador Ronald dela Rosa na humaharang sa implementasyon ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa 83-pahinang komento, iginiit ng OSG na walang sapat na legal na batayan para bigyan ng temporary restraining order (TRO) ang senador at wala umanong malinaw na karapatan na kailangang protektahan sa kanyang petisyon.
Ayon sa OSG, nabigo rin si dela Rosa na magpakita ng agarang at malubhang pinsala na mangangailangan ng agarang aksyon ng Korte Suprema. Dagdag pa nito, dapat isaalang-alang ng korte ang limitasyon ng parliamentary immunity at ang obligasyon ng bawat isa na sumunod sa proseso ng batas.
Binanggit din ng OSG ang prinsipyo ng fugitive disentitlement, na tumutukoy sa mga indibidwal na umiiwas sa awtoridad ng batas at hindi dapat makinabang sa remedyo ng korte habang iniiwasan ang pag-aresto.
Nauna nang hindi naglabas ng TRO ang Korte Suprema at pinasumite na lamang ng komento ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan bago magpasya sa petisyon.









