
Inatasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang lahat ng pribadong employer na iparehistro ang kanilang mga empleyado sa Yaman ng Kalusugan Program (Yakap) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa ilalim ng Labor Advisory No. 10, series of 2026 na nilagdaan ni Labor Secretary Francis Tolentino, ipinatutupad ang hakbang alinsunod sa Labor Code at Universal Health Care Act.
Ayon sa DOLE, kailangang makipag-ugnayan ang mga employer sa PhilHealth upang mapadali ang onsite registration sa mga lugar ng trabaho at matulungan ang mga empleyado sa online registration sa pamamagitan ng eGov app at PhilHealth Member Portal.
Ang Yakap ay enhanced primary care benefit ng PhilHealth na sumasaklaw sa konsultasyon, laboratory at cancer screening tests, mga pangunahing gamot, at iba pang outpatient services para sa mga miyembro at kanilang mga benepisyaryo.
Hinihikayat din ang mga employer na bigyan ng pagkakataon ang mga manggagawa na makapag-avail ng konsultasyon sa Yakap clinics sa pamamagitan ng pagbibigay ng excused absences kung kinakailangan, habang inaasahang magbibigay naman ng abiso ang mga empleyado kapag lalabas sa trabaho para sa mga ito.








