
Inilahad ng isang testigo mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y tumanggap ng tinatayang ₱10 milyon kada proyekto bilang commitment fee o kickback ang ilang contractors para kay dating DPWH Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara.
Sa pagdinig sa Sandiganbayan kaugnay ng kasong malversation laban kay dating Senador Ramon Bong Revilla Jr. at iba pa, sinabi ni DPWH Engineer 2 John Carlo Rivera na hindi bababa sa limang contractors ang regular umanong nagbibigay ng naturang halaga kapalit ng mga proyektong flood control.
Ayon kay Rivera, inutusan umano siya ni Alcantara na maghanda ng listahan ng mga proyekto para sa national budget, kung saan nakapaloob ang mga proponent na opisyal at mga kontratistang nagbibigay ng commitment fee matapos ma-award ang proyekto.
Ilan sa mga contractors na binanggit ni Rivera ay ang JB Construction, Triple A Construction, Topnotch Catalyst Builders Inc., Floordesk Construction, IM Construction, at Ferdstar Builders, bukod sa iba pa.
Giit niya, umaabot umano sa 25 hanggang 30 porsyento ng halaga ng proyekto ang commitment fee, at umaabot sa tatlo hanggang apat na beses ang pagbibigay ng naturang halaga ng bawat contractor.
Ayon pa kay Rivera, si Alcantara umano ang nagtatakda kung magkano at kung kanino mapupunta ang mga bayad.
Sinabi rin ng testigo na sumunod siya sa mga utos dahil nais niyang ma-promote at dahil naka-detail siya sa opisina ng dating opisyal.
Kabilang sa mga akusado sa kaso sina dating Senador Ramon Bong Revilla Jr., dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez, at ilang iba pang opisyal at empleyado ng DPWH.
Mariing itinanggi ni Revilla ang kanyang pagkakasangkot sa umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan na may halagang ₱92.8 milyon.




