
Naniniwala ang constitutional law expert na si Atty. Domingo Cayosa na magiging malaking hamon para sa defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga dokumentadong record at pahayag nito noong siya ay nasa pangulo pa.
Ayon kay Cayosa, hindi matatakasan ng kampo ni Duterte ang mga ebidensyang tiyak na ilalatag ng prosecution sa International Criminal Court (ICC), kabilang ang mga direktang pag-amin ng dating pangulo sa media na siya ang nag-utos sa ilang operasyon, gayundin ang mga ulat ng pulisya hinggil sa mga biktima ng extra-judicial killings (EJK) na madalas idahilan ang “nanlaban.”
Binigyang-diin din ng abogado na magsisilbing mabigat na ebidensya ang kakulangan ng imbestigasyon at conviction sa mga pulis na sangkot sa madugong kampanya laban sa ilegal na droga.
Bukod dito, inaasahang lalo pang magpapahirap sa panig ng depensa ang paglutang ng mga testigo na dati umanong miyembro ng Davao Death Squad (DDS).
Matatandaang noong Pebrero 10, 2025, nag-apply ng warrant of arrest ang Office of the Prosecutor ng ICC laban kay Duterte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity tulad ng murder, torture, at rape.
Bagaman una itong inilabas bilang isang “secret” warrant noong Marso 7, kalaunan ay isinapubliko rin ito at tuluyang naisilbi noong Marso 11.
Kinabukasan, noong Marso 12, 2025, pormal nang naisuko ang dating pangulo sa kustodiya ng ICC upang harapin ang mga naturang akusasyon.










