Kinansela ni US Pres Donald Trump ang planong pagpunta sa Pakistan nina US envoys Steve Witkoff at Jared Kushner para sa usapang may kinalaman sa digmaan sa Iran.

Nauna nang inanunsyo ng White House ang biyahe, ngunit bigla itong binawi ni Trump, na nagsabing handa naman ang Estados Unidos sa negosasyon kung makikipag-ugnayan ang Iran.

Samantala, nauna nang nakipagpulong si Iranian Foreign Minister na si Abbas Araghchi sa mga opisyal ng Pakistan sa Islamabad, kung saan inilatag niya ang panukala ng Iran para sa posibleng pagtatapos ng digmaan. Ayon sa ulat, may dala itong mas detalyadong plano na maaaring maging basehan ng peace talks.

Gayunman, nilinaw ng panig ng Iran na wala sa kanilang agenda ang direktang pakikipag-usap sa United States sa ngayon. Sinabi rin ni Araghchi na hindi pa malinaw kung seryoso ang US sa diplomasya.

Sa kabila ng mga usapang ito, nananatiling mataas ang tensyon sa rehiyon. Ayon sa Israel Defense Forces, may napatay silang mga miyembro ng Hezbollah, habang iginiit naman ng grupo na nagsagawa sila ng pag-atake laban sa militar ng Israel kahit may umiiral na ceasefire.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinapakita ng mga pangyayaring ito na malayo pa sa kasunduan ang magkabilang panig at patuloy pa ring hinahanap ang solusyon para sa kapayapaan.