Patay ang isang 20 anyos na estudyante dahil sa severe leptospirosis sa bayan ng Sto. Niño. Cagayan.

Ayon sa Provincial Health Office, batay sa imbestigasyon, ang pasyente ay nagkaroon ng exposure sa posibleng contaminated environment matapos magtungo sa sakahan at bumisita sa Pikkan Falls noong Marso 2026.

Ilang araw matapos nito ay nakaranas siya ng lagnat, pananakit ng katawan, at iba pang sintomas.

Sa kabila ng patuloy na paglala ng kanyang kondisyon, self-medication lamang ang isinagawa at hindi agad nakapagpakonsulta sa health facility.

Noong Abril 1, dinala siya sa Lasam District Hospital at kalaunan ay inilipat sa mas mataas na antas na pagamutan, ngunit binawian din ng buhay noong Abril 2 dahil sa komplikasyon ng sakit.

-- ADVERTISEMENT --

Agad namang kumilos ang Provincial Health Office katuwang ang Rural Health Unit ng Sto. Niño upang magsagawa ng masusing imbestigasyon, contact tracing, at pagbibigay ng prophylaxis sa mga nakasalamuha ng pasyente.

Nagsagawa rin ng health education campaign at environmental assessment upang matukoy ang pinagmulan ng impeksyon at maiwasan ang pagkalat ng sakit sa komunidad.