Umamin sa kasong wire fraud ang Filipino-American na si Angela Aquino, dating kandidato para sa New York City Public Advocate, kaugnay ng umano’y pagtatangkang dayain ang campaign finance system ng lungsod para makakuha ng hanggang $1 milyon sa public matching funds.

Nag-plead guilty si Aquino noong Agosto 20 sa federal court sa Brooklyn, ayon sa mga federal prosecutor.

Ayon sa mga awtoridad, sinubukan umanong palabasin ni Aquino na nakalikom ang kanyang campaign committee ng kinakailangang $125,000 mula sa mga kwalipikadong donor upang makakuha ng katumbas na public funds.

Kabilang umano sa ginamit na pamamaraan ang paglilipat ng perang nagmula sa Pilipinas sa kanyang personal at campaign accounts at pag-uulat dito bilang mga kontribusyon mula sa mga residente ng New York. Isinumite rin umano ang mga pekeng contribution cards bilang suporta sa mga naturang donasyon.

Ayon pa sa mga prosecutor, ginamit din umano ni Aquino ang ilang campaign funds para sa personal na gastusin, kabilang ang renta sa kanyang apartment.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ilalim ng New York City matching funds program, maaaring tumanggap ng hanggang $8 na public funds sa bawat $1 na kwalipikadong kontribusyon, kaya maaaring umabot sa $1 milyon ang makukuhang pondo kapag umabot sa $125,000 ang qualifying contributions.

Itinakda naman ng korte ang paghatol kay Aquino sa susunod na mga pagdinig.