Nahaharap sa mga kasong pederal sa Estados Unidos ang isang Filipina nurse practitioner mula sa Tuguegarao City matapos umanong pamunuan ang isang malawakang healthcare fraud scheme na nagdulot ng halos ₱52 bilyong pagkalugi sa mga government healthcare program ng US.

Kinilala ang suspek na si Marizel Yukee, residente ng Las Vegas, na inakusahan ng mga pederal na prosekutor ng pagsusumite ng daan-daang milyong dolyar na maling claims sa Medicare at TRICARE mula Oktubre 2023 hanggang Abril 2026.

Ayon sa federal indictment, mahigit US$906 milyon o katumbas ng humigit-kumulang ₱51.6 bilyon ang umano’y naisingil sa pamamagitan ng mga hindi kinakailangang wound treatment para sa matatanda at mga pasyenteng may malubhang karamdaman.

Inakusahan din si Yukee ng pagbabayad ng ilegal na komisyon kapalit ng referrals, pamemeke ng medical records, at money laundering.

Sinasabing ginamit umano ang bahagi ng pondo para bumili ng mga mamahaling sasakyan, alahas, ari-arian sa Hawaii, at sa pagpapatayo ng isang beach resort sa Santa Ana, Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Naglabas na ng warrant of arrest ang U.S. District Court for the Southern District of Texas laban kay Yukee, na nananatiling itinuturing na inosente hangga’t hindi napatutunayang nagkasala sa korte.