Nanawagan ang Philippine Nurses Association of America (PNAA) sa publiko na huwag husgahan ang mga Filipino nurse sa Estados Unidos batay sa kaso ng isang Pilipinang inakusahan ng umano’y pangunguna sa isang $906-million healthcare fraud scheme.

Sa inilabas na pahayag, iginiit ng PNAA na ang aksyon ng iilang indibidwal ay hindi sumasalamin sa higit 150,000 Filipino-American nurses na patuloy na nagsisilbi nang may integridad, propesyonalismo, at malasakit sa iba’t ibang sektor ng healthcare sa Amerika.

Binigyang-diin ng samahan na matagal nang kinikilala ang mga Filipino nurse sa kanilang mahalagang ambag sa pangangalaga ng mga pasyente, lalo na sa mga ospital, underserved communities, at public health services.

Ang panawagan ng PNAA ay kasunod ng kaso ni Marizel Yukee, isang Filipina nurse sa Las Vegas, na inakusahan ng mga federal prosecutor ng panlilinlang sa Medicare at TRICARE sa pamamagitan ng umano’y hindi kinakailangang wound treatments sa matatanda at mga terminally ill patients.

Nahaharap siya sa iba’t ibang kasong may kaugnayan sa pandaraya at kasalukuyang nasa ilalim ng home detention matapos maglabas ng warrant ang isang federal court sa Texas.

-- ADVERTISEMENT --