Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na naglabas ang Court of Appeals ng freeze order laban sa mga ari-arian ni Leyte Representative at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Ayon kay Remulla, ang utos ay nagmula sa kahilingan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control project. Hindi man pinangalanan ng AMLC ang sangkot, sinabi ni Remulla na si Romualdez ang tinutukoy.

Sakop ng freeze order ang ilang bank accounts at insurance policies na nakapangalan sa mambabatas, pati na rin ang mga ari-arian ng kanyang umano’y business associate at isang kumpanya na konektado sa kaso.

Dagdag pa ng Ombudsman, nasa paunang imbestigasyon pa lang ang kaso at may ilan pang reklamo na nakahandang isampa sa mga susunod na linggo. Tiniyak din niya na dadaan ito sa tamang proseso.

Samantala, nauna nang tumutol ang kampo ni Romualdez sa imbestigasyon, iginiit na nalalabag umano ang kanyang karapatan at hiniling na itigil ang proseso. Ngunit sinabi ni Remulla na tungkulin ng Ombudsman na ituloy ang kaso laban sa katiwalian at hindi sila maaaring umatras sa ganitong usapin.

-- ADVERTISEMENT --