
Umabot na sa $29 bilyon ang nagagastos ng Estados Unidos sa nagpapatuloy nitong giyera laban sa Iran, ayon sa isang senior official ng Pentagon.
Mas mataas ito ng $4 bilyon kumpara sa naunang tantiya noong nakaraang buwan na nasa $25 bilyon lamang.
Ayon kay Jules Hurst, na kasalukuyang gumaganap bilang comptroller ng Pentagon, kabilang sa dagdag na gastos ang pagkukumpuni at pagpapalit ng mga kagamitan militar gayundin ang operational costs ng mga operasyon ng US military.
Lumabas ang bagong ulat anim na buwan bago ang midterm elections sa Amerika, kung saan nahaharap umano sa matinding hamon ang Republican Party ni US President Donald Trump upang mapanatili ang kontrol sa House of Representatives.
Samantala, ginagamit naman ng mga Democrat ang isyu ng giyera at gastusin nito upang iugnay sa tumataas na cost of living sa bansa.










