
TUGUEGARAO CITY-Natangayan ng humigit kumulang na P600,000 halaga ng cash, cellphone at alahas ang isang babaeng ahente ng palay matapos holdapin noong gabi ng Sabado sa Buguey, Cagayan.
Kinilala ni PLT Rolando Verzon, deputy chief of police ng PNP-Buguey ang biktima na si Rosa Palattao, 48-anyos, residente ng Brgy. Paddaya sa bayan Aparri na patuloy na nagpapagaling sa pagamutan dahil sa mga tinamong galos sa katawan matapos manlaban sa mga salarin.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na ang biktima ay sakay ng motorsiklo at pauwi na sa kanilang bahay galing sa bayan ng Sta. Teresita nang huminto ito sa bahagi ng Brgy Paddaya Este, Buguey dahil sa nakitang cellphone sa lansangan dakong alas 7:00 ng gabi.
Matapos iparada ang motorsiklo ay sumulpot ang nasa apat na kalalakihan at tinakpan ang mukha ng biktima bago kinaladkad papalayo kung saan nagawa naman nitong manlaban at makawala sa mga suspek ngunit natangay ang kanyang bag na naglalaman ng perang pinagbentahan ng palay, cellphone at singsing.
Dakong alas 11:00 na nang gabi nang matagpuan ng kanyang pamilya ang biktima na nawalan ng malay at punit ang damit sa bahagi ng irrigation canal, nasa 200 metro ang layo mula sa kanyang motorsiklo.
Nakita rin ng pulisya ang ilang nagkalat na pera sa lansangan at bag ng biktima ngunit wala ng laman.
Patuloy naman ang koordinasyon ng pulisya sa biktima subalit hindi pa ito masyadong nakakapagsalita para sa posibleng gabay sa ikadarakip ng mga tumakas na suspek.
Sinabi ni Verzon na kasama sa iniimbestigahan ang ilang dating tauhan ng biktima mula Aparri na kanyang tinanggal sa trabaho at pinalitan ng mga taga-Buguey.