Dalawang lalaki ang nasugatan matapos ang rambolan ng dalawang grupo ng kalalakihan sa isang bar sa Barangay Minanga, Aparri, Cagayan.

Kinilala ng Aparri Police Station ang mga biktima na sina alyas Jojo, 19, walang asawa, 2nd year college student, at residente ng Brgy. Centro 2, at alyas Lino, 21, single, at residente ng Brgy. Centro 9 sa nasabing bayan.

Ang mga suspects naman ay sina alyas Kiko, 33, single, negosyante, at residente ng Brgy. Centro 8, at alyas Mimo, 27, single, private employee, at residente ng Brgy. San Antonio.

Batay sa initial investigation ng PNP Aparri, nag-iinuman ang mga ito sa bar, nang biglang sampalin sa mukha ni alyas Kiko si alyas Lino at nagtapon ng bote ng alak.

Kumuha naman si alyas Mimo ng isa pang bote ng alak at ibinato kay alyas Jojo at tinamaan ang kanyang kaliwang mata.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtamo ng mga sugat sa kanilang katawan ang mga biktima.

Gumanti naman ang grupo ni Jojo sa grupo ni alyas Kiko.

Nagresulta ito sa pagkakasugat din sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ni alyas Kiko.

Nang dumating ang mga pulis, agad na dinala ang mga sugatan sa ospital.

Dinala naman ang mga suspects sa Aparri Police Station, at inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa laban sa kanila.