Nagtamo ng third-degree burns ang isang guro matapos masunog ang inuupahang silid sa ikalawang palapag ng isang apartment sa Barangay Tanza, Tuguegarao City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, naganap ang insidente noong Hunyo 21, 2026 batay sa ulat ng Tuguegarao City Police Station

Kinilala ang biktima na si Grace Villamil Comunales, isang guro, na nag-iisa lamang sa loob ng kuwarto nang mangyari ang sunog dahil nasa trabaho umano ang kanyang kinakasama.

Ayon sa paunang imbestigasyon, isang plastik ang pinaniniwalaang pinagmulan ng apoy.

Tinatayang umabot sa P10,000 ang halaga ng mga ari-ariang napinsala sa insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Agad namang rumesponde ang Bureau of Fire Protection at naapula ang apoy bago pa ito kumalat sa iba pang bahagi ng apartment.

Samantala, sinabi ni Police Captain Melody Ballesteros, Information Officer ng Tuguegarao City Police Station, na wala nang iba pang naitalang kahalintulad na insidente sa kanilang nasasakupan ngayong linggo.

Tiniyak din ng opisyal na nagpapatuloy ang 24-oras na police visibility operations sa lungsod sa pamamagitan ng foot patrol, mobile patrol, at motorcycle patrol units upang agad na makatugon sa anumang uri ng emergency.

Muli namang pinaalalahanan ng kapulisan ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang insidente at tiyaking ligtas ang mga electrical wiring at LPG tanks sa kanilang mga tahanan upang maiwasan ang sunog.

Para sa mga emergency concern, maaaring tumawag ang publiko sa hotline ng Tuguegarao City Police Station na 0905-800-5118.