
Hiniling nina dating DPWH engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza sa Department of Justice (DOJ) na hindi isama sa ebidensya laban sa kanila ang ilang statements nila, kabilang ang “Whistleblower’s Report,” kaugnay ng anomalya sa flood control projects.
Ayon sa kanila, ginamit ang kanilang testimonya sa aplikasyon nila sa Witness Protection Program (WPP) at ito raw ay lumalabag sa karapatan nila laban sa self-incrimination.
Kasalukuyan silang iniimbestigahan sa umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan, at dati na rin silang na-arestong kasama si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. para sa isa pang anomalya sa Bulacan. Pareho silang nakapiit sa New Quezon City Jail.
Ayon kay Hernandez, pinilit siyang pumirma sa affidavits nang hindi niya ito lubusang nabasa at naliwanagan na gagamitin lang ito laban sa ibang opisyal. Sinabi rin niya na kung wala ang kanilang mga statements, mawawala ang basehan ng mga kaso laban sa kanila.
Giit nila Mendoza, ang reklamo ay nakabase halos sa kanilang mga testimonya. Sinabi rin ni Hernandez na ayon sa batas, ang statements sa WPP application ay hindi puwedeng gamitin bilang ebidensya, maliban para sa impeachment purposes.
Ayon kay Acting Justice Secretary Fredderick Vida, nakatulong ang testimonya ni Hernandez sa imbestigasyon, ngunit may iba pang mga saksi ang nagpapatuloy sa pakikipag-cooperate sa DOJ.










