
Inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nakapagbigay na umano ng pangalan ng ilang sinasabing contracted hitmen si Ramil Madriaga, na nagpapakilalang dating bagman ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Remulla, bahagi na umano ito ng mga opsyon na lumabas sa testimonya ni Madriaga at posibleng madetalye pa sa mga susunod na pagdinig.
Sa kanyang supplemental affidavit na binasa sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaint laban kay Duterte, inakusahan ni Madriaga si dating Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y nagplano ng pagpapatalsik o posibleng pagpaslang kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. kung hindi ito bababa sa puwesto pagsapit ng 2025.
Mariing itinanggi ng kampo ng Bise Presidente ang mga alegasyon at tinawag itong walang basehan.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na nasa National Bureau of Investigation ang responsibilidad na imbestigahan ang naturang mga pahayag.
Binigyang-diin ni Remulla na palaging may banta sa seguridad ng Pangulo dahil sa kanyang posisyon bilang pinuno ng bansa.
Samantala, minaliit din ni Remulla ang mga pahayag ni Davao City Mayor Sebastian Baste Duterte laban sa Pangulo, at iginiit na dapat maging mas maingat at makabuluhan ang pananalita ng sinumang nagnanais mamuno sa bansa.
Una rito, sinabi ni Baste Duterte na isang ulo lang ang kailangan nila at ito ay ang ulo ni Marcos.










