
Inaprubahan ng House Committee on Appropriations ang panukalang ₱7.2-trilyong national budget para sa 2027.
Ayon kay Appropriations Committee Chair Mikaela Suansing, hindi unanimous ang botohan dahil may ilang mambabatas na kumontra at maaari pa nilang kuwestiyunin ang panukalang budget sa plenaryo.
Wala ring isinamang amendment sa budget dahil hindi pa nagko-convene ang Budget Amendments Review Subcommittee o BARSC. Inaasahang bubuuin ito ngayong linggo o sa unang bahagi ng susunod na linggo.
Kabilang sa nakikitang posibleng amyendahan ang budget ng Department of Education, partikular ang kawalan ng pondo para sa hiring ng bagong mga guro at Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL program.
Binanggit din ni Suansing ang kahilingan ng Department of Agriculture para sa dagdag na suporta sa pagtugon sa epekto ng El Niño, kabilang ang fertilizer assistance at solar irrigation pumps.










