Ipinauubaya na ng House Prosecution panel sa Senate Impeachment Court at sa regular na korte ang desisyon kung maaari bang sabay na umusad ang impeachment at criminal case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House Legal Spokesperson Benjamin Tolosa Jr., magkahiwalay ang pananagutan at quantum of evidence na kinakailangan sa dalawang proceedings, kaya nasa korte na ang pagpapasya kung itutuloy ang criminal case kahit umuusad ang impeachment case.

Ang criminal case laban kay Duterte ay nag-ugat sa umano’y pagbabanta niya kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Rep. Martin Romualdez noong Nobyembre 2024, na kabilang din sa mga basehan ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente.

Samantala, naghahanda naman ang kampo ni Duterte na maghain ng manifestation upang igiit ang pagsasagawa ng oral arguments kaugnay ng kanilang motion to quash, dahil sa umano’y malawak na epekto nito sa mga impeachable officials.