
Nakatutok ang House prosecution panel sa paghaharap ng mga ebidensiya sa unang linggo ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na pormal na magsisimula ngayong Hulyo 6.
Ayon sa tagapagsalita ng prosecution panel na sina Representatives Robert Ace Barbers, Renee Co at Zia Alonto Adiong, mga rekord, testigo at due process ang magiging sentro ng paglilitis, hindi politika.
Iginiit nila na ang impeachment court ang tamang lugar upang dinggin ang mga ebidensiya at argumento ng magkabilang panig.
Sinabi ni Barbers na panahon na upang katotohanan at ebidensiya ang magsalita, habang binigyang-diin naman nina Co at Adiong na handa ang prosecution na gampanan ang tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon sa maayos at propesyonal na paraan.
Samantala, nagpahayag din ng suporta si Deputy Speaker Janette Garin sa House prosecution panel at sinabing kinakatawan ng mga ito hindi lamang ang kanilang sarili kundi ang buong House of Representatives at ang mandato ng sambayanang Pilipino.










