Nagsagawa ng mock trial nitong Huwebes ang House Prosecution Panel bilang paghahanda sa nalalapit na impeachment trial ni VP Sara Duterte sa Senado.

Ginawa ang mock trial sa People’s Center ng House of Representatives kung saan dumalo ang lahat ng labing-isang miyembro ng prosecution panel, ayon kay Joel Chua ng Maynila.

Sinabi ni Chua na nag-imbita rin sila ng ilang pribadong abogado upang tumulong sa paghahanda, kabilang si Chel Diokno at ang grupo nito upang gabayan ang prosecution panel.

Ayon naman kay Kaka Bag-ao ng Dinagat Islands, layunin ng mock trial na maihanda ang mga prosecutor sa aktuwal na proseso ng impeachment trial sa Senado.

Aniya, pinag-aaralan nila ang tamang pagtalakay ng kaso, mga patakaran sa ebidensiya, at kung paano haharap sa impeachment court na iba umano sa ordinaryong paglilitis sa korte.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin din ni Bag-ao na mahalagang maipaliwanag nang malinaw sa publiko ang proseso ng impeachment upang mas maintindihan ito ng karaniwang mamamayan.

Tutol din sina Chua at Bag-ao sa panukalang payagan ang mga senador na dumalo sa impeachment proceedings sa pamamagitan lamang ng teleconferencing.

Ayon kay Chua, mahalagang personal na naroroon ang mga senator-judge upang masuri nila ang kilos, galaw, at paraan ng pagsagot ng mga testigo na mahalaga sa pagdedesisyon ng kaso.

Sinabi naman ni Bag-ao na sa mga sensitibong kaso tulad ng impeachment trial, mahalagang makita nang personal ang mga testigo upang mas maayos na masuri ang kredibilidad ng kanilang testimonya.

Sumang-ayon din si Renee Co ng Kabataan Party-list at sinabing mahalaga ang pisikal na presensya ng mga senator-judge upang lubos nilang maunawaan hindi lamang ang mga sagot kundi pati ang kilos at body language ng mga testigo.