Posibleng hindi na iharap ng House prosecution panel ang ebidensiya sa isa sa apat na Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte kung matitiyak nilang sapat na ang mga naiprisentang ebidensiya sa iba pang artikulo upang makamit ang conviction.

Ayon kay House prosecutor Rep. Joel Chua, pinag-aaralan nilang paikliin ang paglilitis sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga testigo at posibleng pag-waive sa isang impeachment article kung matibay na ang naipakitang ebidensiya.

Aniya, layunin nitong hindi na aksayahin ang oras ng impeachment court.

Sinabi rin ni Chua na hindi nangangahulugang aabutin ng 17 buwan ang paglilitis dahil maaari pang mabawasan ang trial dates, lalo na kung magbabawas ng testigo ang prosekusyon o kung hindi na maghahain ng sariling ebidensiya ang depensa.

Ayon naman kay private prosecutor Atty. Lorna Kapunan, nakadepende rin ang haba ng paglilitis sa magiging cross-examination ng depensa at sa mga tanong ng senator-judges.

-- ADVERTISEMENT --