Nangako ang House prosecution panel na susunod sa anumang magiging kautusan ng Senate impeachment court kaugnay sa mga public engagement ng prosecution at defense sa impeachment trial.

Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, spokesperson ng House prosecution panel, makikiayon ang mga prosecutor sa anumang direktibang ilalabas ng impeachment court kaugnay sa mga panayam at iba pang public engagements.

Nauna nang sinabi ni Senate President Pro Tempore at Presiding Officer Francis Chiz Escudero na naghahanda siya ng ruling, warning at order matapos mapansin ang sunod-sunod na social media posts ng mga abogado na umano’y lumalampas na sa itinakdang hangganan.

Ito ay matapos punahin ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang social media post ni private prosecutor Amando Virgil Ligutan tungkol sa paggamit ng misleading questions sa impeachment trial.

Giit ni Adiong, dapat managot at mapagsabihan ang sinumang makokompromiso ang integridad ng Senate impeachment court, anuman ang kanilang panig.

-- ADVERTISEMENT --