Posibleng magsimula sa pagitan ng Oktubre 2026 hanggang Pebrero 2027 ang trial proper sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang panayam kay Atty. Kristina Conti, assistant counsel to EJK complainants, ipinaliwanag nito na aabutin pa ng walong buwan hanggang isang taon ang paghahanda bago tuluyang umusad ang paglilitis, kung saan karamihan sa mga proseso tulad ng status conferences at mga diskusyon ay isasagawa nang hindi bukas sa publiko.

Sa oras na magsimula ang trial proper, inaasahang magiging tuloy-tuloy na ang pagdinig.

Sa unang araw, ilalatag ang mga akusasyon laban kay Duterte, kabilang ang crimes against humanity gaya ng murder at attempted murder kaugnay ng kanyang war on drugs, kasabay ng pagtakda ng mga alituntunin ng korte.

Samantala, may opsyon pa rin ang korte na payagan ang virtual na pagdalo ng akusado, ngunit hindi niya maaaring hadlangan ang proseso sa pamamagitan ng hindi pagharap.

-- ADVERTISEMENT --

Karaniwan namang isinasagawa ang mga pagdinig mula 9 am hanggang 4 pm, oras sa ICC at inaasahang ila-livestream ang mga ito na may kaunting delay para sa seguridad.