Inaprubahan ng Senate impeachment court ang pagpapalabas ng subpoena sa apat na testigo na inaasahang magbibigay ng testimonya kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds ni Vice President Sara Duterte.

Kabilang sa ipatatawag sina House Legislative Archives Director Marivic Pareja, dating Land Bank branch managers Violeta Constantino at Nenita Camposano, gayundin si Land Bank President at CEO Lynette Ortiz na inatasang magsumite ng mga kaugnay na dokumento.

Nakatakda silang humarap sa korte sa Hulyo 21 at 22.

Samantala, ipinagpaliban ng impeachment court sa Hulyo 20 ang pagdedesisyon sa kahilingan ng prosecution na ipa-subpoena ang bank at tax records nina Duterte at ng kanyang asawa.

Inilipat din sa Hulyo 21 ang testimonya ni NBI Director Melvin Matibag.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa pagbabawas ng prosecution sa mga testigo para sa Article IV, sinabi ng impeachment court na posibleng mas maagang masimulan ang pagtalakay sa Article I na tumutukoy sa umano’y misuse ng confidential funds.

Ayon sa House prosecution panel, sapat na ang mga ebidensiyang kanilang naiharap upang patunayan ang kanilang kaso.