
Isa pang menor de edad na suspek sa pagpatay at pagnanakaw sa 19-anyos na estudyanteng babae sa Tagum City, Davao del Norte ang naaresto.
Ang nadakid na suspek ay 15-anyos
Una nang nadakip ng mga pulis ang dalawang suspek na edad 14 at 17, at nakuha sa kanila ang ilang gamit ng biktima na kinuha nila mula sa bahay nito.
Mula sa Maragusan, Davao de Oro ang tatlong menor de edad na suspek.
Isa pang suspek ang hinahanap na edad 18 na residente ng Mati City.
Natukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek dahil sa CCTV camera ng kapitbahay na nakita ang apat na ilang beses dumaan sa bahay ng biktima, isang araw bago naganap ang krimen.
Napag-alaman na kakauwi lang noon sa Tagum ng biktima mula sa Maynila kung saan ito nag-aaral.
Nakita siya ng kaniyang ama sa kuwarto na duguan at may 38 saksak sa katawan at leeg.
Nawawala ang kaniyang mga gamit gaya ng laptop, cellphone, tablet, at relo.
Pagnanakaw umano ang pakay ng mga suspek pero nagising at nakita raw sila ng biktima kaya nila ito pinatay.
Mahaharap sa kasong robbery with homicide ang mga suspek.
Samantala, nanawagan ang University of the Philippines (UP) ng hustisya para sa pagpatay sa estudyante na si Coquilla ng UP Diliman.
Umaapela ang unibersidad sa mga awtoridad na magsagawa ng mabilis at transparent na imbestigasyon.
Nag-alok din ng psychosocial support ang UP sa pamilya at komunidad nito.