TUGUEGARAO CITY-Sinampahan ng patong-patong na kaso ang isa sa anim na suspek sa pagpatay kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at sa limang iba pa.

Sa inilabas na impormasyon ng Special Investigation Task Group (SITG) “Alameda”, inihain ang kasong 6 counts of Murder, Obstruction of Justice at paglabag sa Philippine Clean Air Act sa Office of the Provincial Prosecutor sa Nueva Vizcaya laban sa suspek na kinilalang si alyas “Bong” na residente ng Barangay Luna, Sta. Rosa, Nueva Ecija.

Nabatid na pag-aari ni alyas Bong ang sinunog na puting sasakyan na nagsilbing get-away vehicle ng mga suspek batay sa isinagawang forensic examination at sa pakikipag-ugnayan ng pulisya sa Land Transportation Office.

Isang testigo rin umano ang nakakita sa naturang sasakyan sa paligid ng bahay ng suspek sa Nueva Ecija ilang araw bago ang krimen.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr. ang pagtukoy at paghuli sa iba pang mga suspek na sangkot sa pananambang.

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok rin ni Azurin ang publiko na makipagtulungan sa pulisya sakaling may impormasyon na makakatulong sa pagresolba sa kaso.

Umaasa naman ang PNP Region 2 na ang pagkakatukoy kay alyas “Bong” ang magbibigay-daan upang matukoy rin ang pagkakakilanlan ng iba pang mga suspek.

Matatandaang patungong Maynila ang grupo ni Alameda nang tambangan sila ng mga suspek na nakauniporme ng pulis sa Bagabag, Nueva Vizcaya noong Pebrero 19.