Dead on arrival ang isang 20 anyos matapos magsalpukan ang sinasakyang motorsiklo at isang pampasaherong van sa bayan ng Sanchez Mira.

Kinilala ni Patrol Man Lauro Artates Jr. imbestigador ng pnp Sanchez Mira ang biktima na si Roden Layus, self employed at residente ng Brgy.Pata Claveria habang ang suspect naman ay si Joel Malazzab, 42 anyos at residente ng Brgy.Paddaya Aparri ngunit kasalukuyang naninirahan sa Claveria.

Una rito ay papunta sana sa bayan ng Claveria ang pampasaherong van na minamaneho ng suspect galing sa Tuguegarao habang papunta naman ng Centro,Sanchez Mira ang motorsiklo na minamaneho ng biktima na galing naman sa kanilang bayan.

Lumalabas sa imbestigasyon na habang binabaybay ng dalawa ang national highway ay sinubukan umanong mag overtake ng biktima ngunit hindi agad ito nakabalik sa kanyang linya.

Sinubukan pa aniyang iwasan ng pampasaherong van ang motorsiklo ngunit nagkaabutan parin ang dalawa sa gitna.

-- ADVERTISEMENT --

Tumilapon sa layong 2-3 meters ang driver ng motorsiklo at nagtamo pa ng sugat sa kanyang ulo dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Naitakbo pa sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng umasikasong doctor.

Napag alaman na hiniraman lamang umano ng biktima ang motorsiklo sa kanyang kaibigan at wala din itong lisensiya habang ang driver ng pampasaheron van naman ay kumpleto ang papeles at parehong hindi nakainom ang dalawa.

Napag alaman na hindi na itutuloy ang pagsasampa ng kaso ng pamilya ng biktima dahil nagkaroon na ng insiyal na pag uusap ang mag ito.