Inaalam pa ng pulisya sa Tuguegarao City kung sino ang mga sangkot sa pagnanakaw at pagkatay ng isang baka sa Barangay Dadda kamakailan.

Sinabi ni PCAPT Marie Anog, information officer ng PNP Tuguegarao, sa initial investigation, itinali umano ni Jomer Baccay ang baka na pagmamay-ari ng kinilalang si Fely, 71 anyos sa pastulan sa nasabi ring barangay noong hapon ng September 27.

Kinabukasan, September 28, ng 5:40 a.m., hindi sinasadya na makita ni Arcadio Allam ng nasabi ring barangay ang kinatay na baka sa pastulan ng pamilya Malana nang hinahanap niya ang kanyang kalabaw.

Agad na ipinaalam ito ni Allam sa kanilang brangay at sa Tuguegarao Component City Police Station.

Sinabi ni Anog, hinila ang baka at dinala sa pastulan ng pamilya Malana at doon din kinatay.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Anog, kinuha ang nasa 100 kilos ng karne ng nasabing baka na nagkakahalaga ng P30,000.