TUGUEGARAO CITY-Nagpapagaling na sa ospital ang anim na katao na nasugatan matapos na sumamang mahulog ang kanilang sasakyan na isang pick-up sa gumuho na bahagi ng pambansang lansangan sa sitio Salagunting, Brgy. Sta. Elena kahapon ng umaga.
Sinabi ni PLT Paulo Nasen Payan, hepe ng PNP Calanasan na binabagtas ng sasakyan ang nasabing lansangan ng bigla itong gumuho at sumamang nahulog ang sasakyan sa lalim na lima hanggang anim na metro.
Ayon kay Payan, lulan ng nasabing sasakyan ang driver at kanyang asawa na si Marilou Bataan, isang anak na babae, dalawang apo at live-in partner ng anak ng mag-asawa.
Sinabi ni Payan na papunta sana ang pamilya sa bayan ng Clevaria, Cagayan.
Aniya, minor injuries lamang ang tinamo ng mga ito sa nasabing insidente.
Idinagdag pa ni Payan na dinala ang mga ito sa ospital ng driver ng isang dum truck na eksakto naman na dadaan din sana sa nasabing lugar.
Ayon sa kanya, posible umano na lumambot ang lupa sa ilalim ng nasabing lansangan bunsod ng ilang araw na pag-ulan kaya ito gumuho.
Sa ngayon aniya ay naglagay ang DPWH ng barikada sa nasabing bahagi ng lansangan.