Isiniwalat ng whistleblower sa kaso ng nawawalang mga sabungero na ilang pulis ang naka-payola o nakatatanggap ng pera mula kay businessman Charlie “Atong” Ang, kung saan ang isa umanong colonel ay umabot sa P2 million kada buwan ang natanggap.
Sinabi ni Julie “Dondon” Patidongan o si alyas Totoy, ibinigay na niya kamakailan sa mga awtoridad ang kopya ng “petty cash vouchers” na parang resibo ng patunay umano ng halagang ibinibigay umano sa mga pulis.
Una rito, isiniwalat ni Patidongan, isa sa mga akusado sa kaso ng missing sabungeros na nais nang maging testigo, na may mga pulis na sangkot sa kaso na siyang kumukuha at pumapatay sa mga biktima.
Mula sa sabungan, dinadampot umano ang mga sabungero na pinaghihinalaang sangkot sa pandaraya o nangtitiyope ng laban o sadyang ipinapatalo umano ang dalang manok ng sabungero at tataya sa kalaban.
Isiniwalat din ni Patidongan, dating caretaker sa mga farm ng mga manok ni Ang, na patay na umano ang mga nawawalang sabungero at itinapon umano ang mga bangkay sa Taal Lake na nilagyan ng pabigat na buhangin.
Ayon sa kanya, bukod sa buwanang payola, binabayaran umano ang kasabwat na mga pulis sa bawat tatrabahuhing sabungero.
Ang isang police unit, nakasaad sa voucher na tumanggap umano ng P2.6 milyon.
Nangako si Patidongan na paninindigan niya ang kaniyang mga sinasabi sa korte.
Subalit mariing punabulaanan ni Ang ang mga alegasyon ni Patidongan.
Una rito, sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na isinailalim na sa restricted duty ang 15 pulis na isinasangkot sa missing sabungeros.