
Iminungkahi ng Commission on Elections (COMELEC) na mas mainam kung sisimulan sa local positions ang pagpapatupad ng Anti-political dynasty Law, bago ito palawigin sa national positions.
Sa isang panayam, sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na mahalagang magkaroon na ng konkretong hakbang laban sa political dynasties, kahit pa sa pinakasimpleng anyo.
Ayon kay Garcia, mas mainam na magsimula muna sa isang simple at praktikal na bersyon ng anti-political dynasty law upang agad itong maipatupad.
Makatutulong aniya ang naturang batas upang mas marami ang mabigyan ng pagkakataong tumakbo sa halalan.
Sa kasalukuyan, ilang panukalang batas na ang inihain sa Senado at Kongreso na naglalayong magkaroon ng enabling law para maipatupad ang probisyon ng 1987 Constitution na nagbabawal sa political dynasties.










