Pinaghihinalaang isang itinapong upos ng sigarilyo ang sanhi ng nangyaring grass fire kahapon sa bulubunduking bahagi na malapit sa sikat na “Solana Woods” sa Brgy. Maddarulug, Solana, Cagayan.

Ayon kay FSI Nestor Parallag, municipal firemarshall ng Bureau of Fire Protection- Solana, mabilis na kumalat ang apoy dahil sa tuyot na mga dahon o damo at sa malakas na hangin sa lugar.

Agad na tumugon ang BFP Solana kasama ang mga volunteers na nagtulong-tulong para apulahin ang apoy sa pamamagitan ng ‘pagpag’ o pagpalo sa mga nagbabagang damo para maapula ang maliit na grassfire dahil hindi naabot ng firetruck ang bahagi ng bundok na nasunog.

Sinabi ni Parallag na aabot sa mahigit anim na oras bago tuluyang naapula ang apoy, dakong alas-11:30 kagabi.

Sa kabutihang palad, walang nasunog na kabahayan o istruktura dahil malayo ang lugar sa mga tirahan at wala ring nasaktan sa insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Tinataya namang nasa walo hanggang sampung ektarya ang lawak ng nasunog, ngunit pawang mga damo at tuyong halaman lamang ang nasunog at hindi naabot ang mga punongkahoy.

Dahil dito, nanawagan si Parallag sa publiko, lalo na sa mga madalas pumunta sa kabundukan na maging responsable sa pagtatapon ng upos ng sigarilyo upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.