Arestado ng mga awtoridad ang isang Jordanian national na ang negosyo ay lumitaw sa mga record na may kaugnayan umano sa mga suspek sa Bondi beach shooting sa Australia noong December 2025.

Kinilala ng 1st Infantry Division ng Philippine Army ang dayuhan na si Mohammad Odeh Saleh Odeh, 65-yr old.

Inaresto ito ngayong araw sa kanyang business establishment sa Pagadian City, Zamboanga del Sur sa isinagawang joint law enforcement operation na pinangunahan ng Bureau of Immigration at Philippine National Police, katuwang ang Philippine Army.

Isinilbi kay Odeh ang BI Mission Order No. 080 dahil sa paglabag nito sa Section 37(a)(7) ng Philippine Immigration Act of 1940, partikular ang overstaying at iligal na pagnenegosyo nang walang kaukulang visa o permit.

Batay sa imbestigasyon, madalas umanong bumiyahe si Odeh mula 2014 hanggang 2025 sa pagitan ng Jordan, Saudi Arabia, Australia, Indonesia, United Arab Emirates, Qatar,at Malaysia.

-- ADVERTISEMENT --

Mayroon siyang Temporary Residence Visa na nakuha noong 2023 at may bisa hanggang March 2025, subalit nanatili siya sa Pilipinas ng humigit-kumulang sampung buwan matapos itong mag-expire.

Nilinaw ng mga awtoridad na sa kasalukuyan ay wala pang ebidensiyang direktang sangkot ang dayuhan sa anumang terrorist activity.