
Inamin ni Gilas Pilipinas veteran June Mar Fajardo na maaaring huling laro na niya para sa national team ang dalawang laban nito sa ikaapat na window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Ayon sa 36-anyos na si Fajardo, nakaaapekto na sa kanyang desisyon ang kanyang edad at mga nararamdamang pananakit sa katawan, lalo na matapos ang dati niyang injury. Gayunman, aminado siyang gusto pa rin niyang maglaro para sa bansa.
Sinabi naman ni head coach Tim Cone na hiniling niya kay Fajardo na muling maglaro para sa Gilas matapos nitong ipahayag ang planong magretiro sa national team.
Matapos ang mahigit isang dekada sa Gilas, sinabi ni Fajardo na nais na rin niyang bigyang-daan ang mga mas batang manlalaro, kabilang si Justin Arana, na aniya’y may malaking potensyal para sa national team.










