Tinuring ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone si Kai Sotto bilang “import” ng koponan matapos nitong tulungan ang national team na manalo sa dalawang laro sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Wala si Justin Brownlee sa naturang window, ngunit nakabalik naman si Sotto at naging mahalagang bahagi ng panalo ng Pilipinas kontra Jordan, 82-81, sa overtime, at Iran, 68-56.

Sa dalawang laro, nag-average si Sotto ng 15.5 puntos, 15 rebounds, tatlong assists at isang block kada laro.

Ayon kay Cone, naging game-changer si Sotto at malaking dahilan kung bakit nakamit ng Gilas ang dalawang panalo. Aniya, hindi lamang sa opensa kundi maging sa depensa ay napapalakas ng 7-foot-3 center ang kanyang mga kasamahan.

Dahil wala si Brownlee, sinabi ni Cone na si Sotto ang naging “import” ng Gilas at naglaro umano ito na parang tunay na import para sa koponan.

-- ADVERTISEMENT --