Patay ang isang barangay kagawad at kaniyang kinakasama matapos silang pagbabarilin ng isang pulis habang nagmimiryenda sa balkonahe ng kanilang bahay sa San Nicolas, Ilocos Norte.

Ayon sa pulisya, kaagad na nasawi ang 26-anyos na lalaking kagawad, habang nadala pa sa ospital ang 30-anyos na babae pero binawian din ng buhay.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagmimiryenda ang mga biktima nang dumating ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang mag-live in partner.

Nakatakas ang mga salarin pero naaresto kinalaunan ng mga awtoridad ang suspek na isang pulis.

Patuloy naman na tinutugis ang kaniyang kasamahan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa hepe ng San Nicolas police station, itinanggi ng suspek ang paratang na krimen pero sinampahan na siya ng kaso.

Hinihinala ng mga awtoridad na maaaring may personal na relasyon ang suspek at ang babaeng biktima na siyang ugat ng krimen.

Labis ang hinapis ng ina ng babaeng biktima sa nangyari lalo pa’t na dalawang buhay ang kinuha ng suspek.

Binigyang-diin ng pamilya na dapat managot ang gumawa ng krimen upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.