Photo credit: 5th ID, Philippine Army

TUGUEGARAO CITY-Narekober ng kasundaluhan ang mga kalansay ng pinatay at inilibing na dating miyembro ng makakaliwang grupo sa Barangay. Hacienda Intal, Baggao, Cagayan.

Sa naging panayam kay Maj Jekyll Julian Dulawan pinuno ng Division Public Affairs Office ng 5th ID, Philippine Army, nakilala ang dating miyembro ng NPA na si Vincent Bobot Cusipang alyas NJ, 25-anyos at residente sa Brgy. Asinga-via sa nasabing bayan dahil sa tulong na rin ng kanyang lola na siyang nagkumpirma sa pagkakakilanlan ng dating rebelde.

Sinabi ni Dulawan na nakilala siya ng kanyang lola na siyang nagpalaki sa kanyang apo dahil sa suot na bracelet na kanyang ibinigay.

Ayon kay Dulawan, 2018 nang sumapi sa grupo ng mga rebelde si Cusipang ngunit dahil sa hirap ng buhay sa bundok ay naisipan niyang bumaba at iwan ang grupo.

Pero taong 2019 nang balikan umano ng mga dating kasamahang NPA si Cusipang at dito na siya pinatay at inilibing sa nabanggit na lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Dulawan na bago ang pagkahukay sa mga labi ni Cusipang ay nagsagawa ng community support program ang kasundaluhan sa lugar at ipinagbigay alam ito ng ilang mga concerned citizen na agad na bineripika ng mga otoridad.