
Sinimulan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalatag ng kanilang mga argumento sa harap ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) nitong Huwebes, kaugnay ng kasong crimes against humanity na inihain laban sa kanya.
Ayon sa ICC, may tatlong oras ang depensa ni Duterte para sa kanilang presentasyon, na pangungunahan ng kanyang abogado na si Nicholas Kaufman.
Magkakaroon ng break matapos ang bawat isang oras ng pagdinig.
Nauna nang nagpahayag si Kaufman ng pag-asa na ibabasura ng Pre-Trial Chamber I ang mga kaso laban kay Duterte at maibabalik umano si “Tatay Digong” sa Pilipinas. Giit niya, “lubhang kulang” umano ang ebidensyang inihain laban sa dating pangulo.
Samantala, sinabi ni ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti na inaasahan nilang uulitin ng depensa ang mga naging pahayag nito sa opening statements.










