Kinagigiliwan ngayon ng netizens ang viral video ng nangyaring kasalan sa bayan ng Peñablanca, Cagayan dahil sa halip na bridal car ay isang kariton na hila-hila ng kalabaw ang sinakyan ng bride.

Ayon sa nag-upload ng video na si Peñablanca Councilor Tata Bulauitan Custodio Dela Cruz at isa sa mga principal sponsors ng kasal, kakaiba ang naganap na kasalan nitong Lunes nina Sabel Mora at Andrew Taylor na siyang naka-isip sa naturang set-up.

Ang groom ay isang Australyano na mahigit tatlong taon na magkasintahan bago ikasal sa bride na mula sa Brgy Nanguilattan, kung saan matatagpuan ang sikat na gabur-gabur falls.

Kwento ng konsehal, lahat sila ay namangha nang makita ang bride na nakasakay sa kariton na may upuan na gawa sa kawayan na nilagyan ng mga palamuti.

Ayon sa opisyal na ang kariton o kareta sa Itawis dialect ay ang madalas na gamitin na pagsakyan ng mga magsasaka ng kanilang produktong mais sa naturang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Hawak din ng bride ang payong dahil sa naranasang pag-ulan na nagdulot ng maputik na lansangan noong hapon na ikinasal sa simbahan ng “Church of Christ” sa naturang barangay na nasa boundary ng bayan ng Baggao.

Humanga rin ang konsehala sa naisip ng groom na tinawag niyang kakaiba at hindi malilimutang kasalan na nasaksihan niya na maituturing din na pagpapahalaga ng ibang lahi sa kultura ng ating bansa.