
Sugatan sa ulo ang isang miyembro ng Philippine Navy matapos umano itong paluin ng baton ng isang tauhan ng China Coast Guard (CCG) sa gitna ng komprontasyon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea nitong Lunes, Hulyo 20.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), sakay ng rigid-hull inflatable boat (RHIB) ang walong tauhan ng CCG nang lumapit ang mga ito sa BRP Sierra Madre, ang outpost ng militar ng Pilipinas sa Ayungin Shoal, upang kumuha ng larawan at video.
Nilapitan naman ng mga tauhan ng AFP sakay ng rubber boats ang CCG upang itaboy ang mga ito, ngunit nauwi umano ito sa tensiyon nang maging agresibo ang mga Chinese Coast Guard.
Sinabi ng AFP na bigla umanong pinalo ng isang tauhan ng CCG ang isang miyembro ng Philippine Navy, na nagresulta sa pagkakasugat nito sa ulo.
Nagtamo rin umano ng pinsala ang ilang rubber boat ng Navy dahil sa insidente.
Agad namang binigyan ng lunas ng Western Command (WESCOM) ang nasugatang tauhan ng Philippine Navy.
Iginiit ng AFP na ginawa lamang ng kanilang mga tauhan ang nararapat na hakbang at sinunod ang itinakdang Rules of Engagement sa insidente.
Nanawagan naman ang AFP sa People’s Liberation Army (PLA), China Coast Guard, at Chinese maritime militia na itigil ang umano’y iligal at agresibong mga hakbang sa West Philippine Sea at igalang ang 2016 Arbitral Award na kumikilala sa maritime rights ng Pilipinas sa ilalim ng international law.










