Inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) na maipapasa ngayong linggo ang panukalang batas na maglilipat sa petsa ng unang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre 14, 2026.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, may posibilidad na maaprubahan ang panukala bago mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso dahil ito ay na-certify bilang urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Naipasa na ng Senado at ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang naglilipat ng petsa ng halalan sa BARMM.

Kapag naisabatas, mula sa orihinal na nakatakdang petsa ay ililipat sa Setyembre 14, 2026 ang unang regular na eleksyon sa rehiyon.