Inamin ni Centerways Construction and Development Inc. president Lawrence Lubiano na nagbigay siya ng ₱30 million na campaign donation kay Senador Chiz Escudero noong 2022 elections.

Ito ay kahit pa mayroon aniyang umiiral na kontrata ang kaniyang kompanya sa gobyerno mula pa noong 2009.

Sa pagdinig ng House Infra Comm, tinanong ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno si Lubiano tungkol sa mga kontratang hawak ng Centerways, partikular sa Bicol region kung saan higit 30 proyekto ay nasa Sorsogon.

Kinumpirma ni Lubiano na matagal nang nakakasali sa mga government projects ang kanyang kompanya mula pa noong 2009 at nakapagtala ng mga proyekto sa Albay, Camarines Sur, Cebu at Masbate.

Pag-aamin ni Lubiano mula 2022 hanggang ngayong taon ay nasa 80 proyekto ang kanilang na-bid.

-- ADVERTISEMENT --

Paglilinaw naman ni Lubiano na personal donation ang ibinigay niya kay Escudero at hindi aniya mula sa kanilang kompanya.

Batay sa Section 95 letter C ng Omnibus Election Code, ipinagbabawal ang mga government contractor ng pamahalaan na magbigay ng donasyon sa mga kandidato.