
Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nananatili pa ang La Niña sa tropical Pacific ngunit inaasahang hihina ito sa mga susunod na buwan at maaaring lumipat sa ENSO-neutral pagsapit ng huling bahagi ng tag-init.
Sa ika-193 Climate Forum, sinabi ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Joseph Basconcillo na may 60% posibilidad na mag-transition mula La Niña patungong ENSO-neutral sa panahon ng Pebrero–Marso–Abril 2026.
Ang ENSO-neutral ay kondisyon kung saan walang umiiral na La Niña o El Niño. Mananatili umano ang neutral conditions hanggang Hunyo hanggang Agosto. Nasa ilalim pa rin ng La Niña ang kasalukuyang ENSO alert status.
Ayon sa long-range forecast ng PAGASA mula Marso hanggang Agosto 2026:
–Marso: Below hanggang way-below normal na ulan sa karamihan ng Luzon, maliban sa Southern Luzon. Above-normal naman sa Mindanao, habang near-normal sa ibang bahagi ng bansa.
–Abril: Karamihan ng bansa ay makakaranas ng near-normal rainfall, may ilang bahagi ng Luzon at Visayas na posibleng below-normal.
–Mayo: Tataas ang ulan sa ilang lugar; above-normal sa Palawan, malaking bahagi ng Visayas, at hilagang-silangang Mindanao.
–Hunyo–Hulyo: Near-normal rainfall sa karamihan ng bansa kasabay ng pagpasok at paglakas ng southwest monsoon o habagat.
–Agosto: Near-normal pa rin sa karamihan, may ilang isolated areas na below-normal.
Mas magiging concentrated ang ulan sa kanlurang bahagi ng bansa pagsapit ng Hunyo at Hulyo dahil sa habagat.
Samantala, tinatayang anim hanggang 14 tropical cyclones ang maaaring mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility mula Marso hanggang Agosto 2026.
Kabilang sa mga sistemang makaaapekto sa bansa ang northeast monsoon (amihan), shear line, frontal systems, easterlies, low-pressure areas, intertropical Convergence Zone (ITCZ), at southwest monsoon (habagat), na karaniwang nagsisimula sa pagitan ng Mayo at Hunyo
Inaasahan namang tataas ang temperatura habang umuusad ang tag-init. Ayon sa PAGASA, near- hanggang above-normal ang mean temperatures sa karamihan ng bansa.
–Northern Luzon: 24.4°C hanggang 39.9°C sa Abril at Mayo
–Lowland Luzon: 19.8°C hanggang 39.6°C
–Metro Manila: Maaaring umabot sa 37.5°C sa Abril
Mula Mayo, bahagyang mas mainit hanggang mas mainit kaysa karaniwan ang mararanasan sa buong bansa.
Hinimok ni Basconcillo ang publiko at mga ahensiya na patuloy na subaybayan ang mga abiso ng PAGASA habang lumilipat ang kondisyon mula La Niña patungong ENSO-neutral.










