
Ililipad na patungong Davao ang labi ng yumaong Ateneo student-athlete na si Rene Baterbonia sakay ng isang pribadong eroplano mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Cargo Terminal.
Ayon sa ulat, inaasahang aalis ang naturang flight anumang oras ngayong araw mula Maynila patungong Davao upang ihatid ang mga labi ng nasawing atleta.
Gaganapin ang wake at public viewing para kay Baterbonia sa Ateneo de Davao University, ang kanyang pinagtapusan ng high school.
Pagkatapos ng mga aktibidad sa Davao, ihahatid ang kanyang mga labi sa kanyang hometown sa Agusan del Sur.
Si Baterbonia ay kabilang sa mga Ateneo Blue Eagles recruits at isang standout mula sa Palarong Pambansa. Siya ay pumanaw matapos malunod kasama ang kanyang teammate na si Divine Adili sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
Samantala, nauna nang nagdaos ng wake sa Arlington Memorial Chapel sa Quezon City na dinaluhan ng mga kasamahan niya sa Ateneo basketball team at coaching staff.
Patuloy namang hinihintay ang iba pang updates kaugnay ng kaso at mga susunod na hakbang ng pamilya at mga kinauukulan.









